Inihayag ni US National Security Adviser Jake Sullivan na gagawin ng Amerika ang anumang kinakailangan para matiyak na maisasagawa ng PH ang resupply mission sa BRP Sierra Madre na nagsisilbing outpost nito sa Ayungin shoal para igiit ang soberaniya ng PH sa West Philippine Sea.
Sa isang forum conference sa Colorado, sinabi ni Sullivan na una sa lahat, nilinaw na ng Amerika sa China na saklaw ang public vessels tulad ng BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin shoal sa Mutual Defense Treaty ng US sa Pilipinas.
Ikalawa, sinubukan din aniya ng panig ng Amerika na konsultahin ang PH dahil ito ay desisyon na dapat ang PH ang manguna, kung paano mas epektibong maisasagawa ang reprovision sa barko upang masustine ang suplay ng pagkain, tubig at iba pang pangangailangan ng mga tropang nakaistasyon doon para maipagpatuloy ang kanilang misyon at gagawin daw ng US ang anumang kailangan para maisakatuparan ito ng Pilipinas.
Subalit pagdating sa kung ano ang partikular na konsepto ng mga operasyon o paraan na makikisangkot dito ang US ay sinabi ni Sullivan na papanatilihin nila ang status quo sa lugar at ipagpapatuloy ng Amerika ang suporta at titindig kasama ang PH kasabay ng mga hakbang na gagawin ng bansa para maisagawa ang resupply mission.