Pormal nang nilagdaan ng Estados Unidos at ng grupong Taliban ang isang “comprehensive peace agreement” upang tuluyan nang tuldukan ang giyera sa Afghanistan matapos ang 18 taon.
Ang kasunduan, na pinirmahan sa Doha sa harap ng mga lider mula Pakistan, Qatar, Turkey, India, Indonesia, Uzbekistan at Tajikistan, ay magbibigay-daan para sa pagpapauwi ng American troops na nakahimpil sa Afghanistan sa loob ng 14 buwan sakaling pagtibayin ito ng mga militante.
Sinabi ng Washington, bukas sila sa pagbabawas ng bilang ng kanilang tropa sa Afghanistan mula 13,000 hanggang 8,600 sa loob ng 135 araw.
Si US special envoy Zalmay Khalilzad at Taliban political chief Mullah Abdul Ghani Baradar ang lumagda sa peace deal, at sinaksihan ni US Secretary of State Mike Pompeo ang seremonya.
Sa ilalim din ng kasunduan, pumayag ang Taliban na hindi hayaan ang al-Qaeda at iba pang mga extremist groups na mag-operate sa mga lugar na kanilang kontrolado.
Nakapaloob din dito ang pagkakaroon ng palitan ng mga preso kung saan nasa 5,000 na nakakulong na Taliban members at 1,000 naman mula Afghan security force ang pagpapalitin sa Marso 10, sa oras na magsimula na rin ang negosasyon sa pagitan ng Taliban at ng Afghan government.
Ayon kay US Defense Secretary Mark Esper, bagama’t maganda itong hakbang tungo sa kapayapaan, aminado itong hindi magiging mali ang tatahakin nilang daan.
“This is a hopeful moment, but it is only the beginning. The road ahead will not be easy. Achieving lasting peace in Afghanistan will require patience and compromise among all parties,” wika ni Esper.
Para naman kay US President Donald Trump, ang kasunduan sa Doha ay tsansa upang tuparin nito ang kanyang pangakong pagpapauwi sa US troops.
Ngunit itinuturing ito ng ilang mga security experts na “sugal” sa usapin ng foreign policy na posible umanong magbigay ng international legitimacy sa Taliban. (BBC/ Reuters/ Al Jazeera)