Nagpasya na ang US na hindi sila magpapadala ng diplomatic representative sa 2022 Winter Olympics sa Beijing.
Ang nasabing hakbang ay bilang protesta laban sa nagaganap umano na paglabag sa karapatang pantao sa Xinjiang.
Sinabi ni White House spokesperson Jen Psaki, isang maliwanag itong mensahe laban sa China.
Paglilinaw naman nito na buo pa rin ang suporta ng gobyerno sa Team USA na tuloy ang pagsabak sa nabanggit na malaking torneyo na magsisimula sa Pebrero 2022 na susundan ng Paralympic Games.
Ipapaubaya na lamang daw ng US sa ibang mga bansa na kanilang kaalyado kung gagayahin nila ang kanilang gagawing diplomatic boycott.
Samantala, may paraan naman daw na gagawin ang China sa gagawing pag-boycott ng US sa Winter Olympics.
Inihayag naman ni Zhao Lijian ang tagapagsalita ng foreign ministry ng China, dapat itigil na ng US ang pagpapalutang na kanilang ibo-boycott ang paparating na Winter Games.
Hindi naman binanggit nito ang kaparaanan na gagawin ng China kapag itinuloy ng US ang banta nito.
Magugunitang isa sa naging dahilan ni US President Joe Biden kaya nais nila ang pag-boycott sa Winter Olympics ay dahil daw sa nagaganap na paglabag sa human rights gaya ng genocide sa mga minority Muslims.