Tumangi ang US Department of Justice na magbigay ng komento ukol sa posibleng extradition ni Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy.
Ayon kay US DOJ spokesperson at senior communications adviser for international law Nicole Navas Oxman, isa sa mga polisiya ng naturang ahensya ay ang hindi pagbibigay ng komento sa mga extradition-related matter hangga’t ang isang nasasakdal ay naroon na mismo ang US.
Si Quiboloy ay nahaharap sa patong-patong na kaso sa US tulad ng sex at human trafficking, fraud, at money laundering.
Batay sa report ng US DOJ, mula noong 2002 hanggang 2018 ay pumipili umano ang mga lider ng KOJC ng mga dalagitang edad 12 hanggang sa mga dalagang edad 25 upang magsilbing mga pastoral o mga personal assistant ni Quiboloy.
Bahagi ng tungkulin ng mga ito ay ang maghanda ng pagkain ni Quiboloy, maglinis sa kanyang bahay, magmasahe sa kanya, at samahan ang akusadong pastor, saanman siya bumiyahe.
Pero maliban dito ay pinipilit din umano sila na makipagtalik sa pastor kung saan ay mayroong schedule ang bawat pastoral. Ang naturang schedule, ayon sa US DOJ, ay tinatawag na ‘night duty’.
Batay pa sa report ng ahensiya, para mapilit ang mga dalagitang makipagniig sa pastor ay sinasabi umano ng mga church administrator na ito ay kagustuhan ng Diyos habang pinagbabantaan din ang mga ito kung hindi sila pumayag.