Umaasa ngayon ang US government na masimulan na nila sa susunod na linggo ang massive vaccination tulad ng ginagawa ngayon sa United Kingdom.
Ginawa ni US Health Secretary Alex Azar ang pahayag matapos na bigyan na ng clearance ng mga medical experts ang US Food and Drug Administration (FDA) para sa emergency approval ng Pfizer-BioNTech coronavirus vaccine.
Ayon kay Azar, batay sa Operation Warp Speed, agad na isasagawa ang delivery ng mga vaccine sa loob ng 24 oras kung matanggap na ang go-signal.
Ang bakuna kasi ay kailangan pa na pormal na pagtibayin ng vaccine chief ng FDA na inaasahan sa mga susunod na araw.
Ang US Centers for Disease Control and Prevention’s Advisory Committee on Immunization Practices ay magme-meeting bukas at sa Lunes ay magkakaroon ng botohan.
Una rito, ilang mga eksperto ang may agam-agam din sa napaulat na merong dalawang tinurukan sa UK ang dumanas ng allergy.
Gayunman mas matimbang umano ang pangangailangan sa ngayon sa Amerika lalo na at record breaking ang bilang ng mga namamatay na mahigit 3,000 sa loob lamang ng isang araw.
Liban nga sa UK ang naturang Pfizer vaccine ay una na ring inaprubahan para sa publiko sa Canada, Bahrain at Saudi Arabia.
Balak naman ng Pfizer na agad na magsuplay ng 6.4 million doses bago matapos ang buwang ito ng Disyembre para sa tatlong milyong katao.
Ang total population ng US ay umaabot sa 330 million.