Napakaaktibo umano ng Estados Unidos sa pagkumbinsi sa North Korea na bumalik sa negotiating table kaugnay sa isyu ng denuclearization.
Kasunod pa rin ito sa nalalapit na deadline ng Pyongyang para sa flexibility ng Washington hinggil sa paksa.
Ayon sa national security adviser ng South Korea na si Chung Eui-yong, lubha raw nilang sineseryoso ang ipinataw na deadline ng North Korea, sa panahong tumigil ang mga hakbang upang mapabuti pa ang inter-Korean relations.
Matatandaang noong Abril ay nagbigay si North Korean leader Kim Jong Un sa Estados Unidos ng deadline hanggang katapusan ng taon na magpakita ng flexibility sa kanilang denuclearization talks.
Nagbabala rin ang mga opisyal ng North Korean sa Estados Unidos na huwag maliitin ang naturang petsa.
Patuloy kasi ang deadlock sa US-North Korea nuclear negotiations, at hindi rin nagbunga ang working-level talks noong Oktubre.
Sinabi pa ni Chung, mayroon na rin daw silang mga contingency plans sakaling mapaso ang deadline na walang positibong resulta.
“Only if talks between high-rank officials happen and lead to substantial progress, will the third North Korea-United States summit be possible,” wika ni Chung.
“As you know, the North side has shown the year-end deadline, considering that position of the North Korean side, we are closely coordinating with the US side.” (Reuters)