Nagkaharap na sa Malacanang sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US Vice President Kamala Harris ngayong araw.
Sa kanilang pag-uusap sa palasyo, sinabi ng pangulo na ang pagbisita ni Harris ay patunay ng malakas na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Binigyang diin ng pangulo na hindi niya nakikita na may pakikipag-ugnayan ang Pilipinas na hindi kasama sa konsiderasyon ang Amerika.
Sinabi pa ng punong ehekutibo na una pa man ay sadyang matatag at malakas na ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos sa usapin ng politika, ekonomiya, depensa at seguridad.
Pabiro pang sinabi ng pangulo na mabuti namang bibisita si Harris sa Palawan, pero umaasa siyang sa mga resort lamang doon ang dadayuhin nito, kung saan parehong natawa ang dalawang opisyal.
Sinabi ng bumibisitang bise presidente na malaki ang pasasalamat niya sa mainit na pagtanggap ng Pilipinas.
Sa seryosong panig, sinabi naman ng pangalawang pangulo ng America na suportado nila ang Pilipinas sa usapin ng international rules partikular na sa isyu ng West Philippine Sea.