Bumungad ang isyu sa tumitinding krisis sa Middle east sa una at huling US Vice Presidential debate sa pagitan nina Democrat Tim Walz at Republican JD Vance nitong Martes, Oktubre 1 (oras sa Amerika).
Natanong ang dalawang VP candidates kung susuportahan o tututulan nila ang pre-emptive strike ng Israel laban sa Iran na itinuturing ng US na pinakamalaking state’s sponsor ng terorismo sa buong mundo at may kapasidad na gumawa ng nuclear weapons sa loob lamang ng isa o 2 linggo.
Unang sumagot si Minnesota Gov. Walz, running mate ni VP Kamala Harris, kung saan ipinunto niyang kailangan ng Amerika na magkaroon ng presensiya sa Middle east. Binanggit din ni Walz ang October 7 massacre sa northern Israel kung saan iginiit niyang kailangan na magkaroon ng steady leadership at nakita aniya ito sa ilalim ng pamumuno ni VP Kamala Harris.
Sa panig naman ni Ohio Sen. Vance, running mate ni ex-Pres. Donald Trump, nakadepende aniya sa Israel ang desisyon kung nais nilang mag-lunsad ng preemptive strike sa Iran kasunod ng inilunsad nitong missiles sa Israel noong Martes.
Maliban dito, nagpalitan din ng pananaw ang 2 hinggil sa usapin ng climate change sa gitna ng pananalasa ng Hurricane Helene sa Amerika. Ayon kay Vance, ang pinsalang dulot ng hurricane ay isang unbelievable unspeakable human tragedy bagamat hindi naman niya direktang sinagot ang tanong kaugnay sa epekto ng climate change.
Binigyang diin naman ni Walz ang ginawang improvements ni VP Harris sa climate change at tinuligsa ang nakaraang komento ni Donald Trump na isang “hoax” lamang ang naturang isyu.
Ilan pa sa tinalakay ng 2 ang usapin sa ekonomiya ng Amerika at immigration policies.