-- Advertisements --

Ilang araw bago ang pagsabak ng Team USA sa 5×5 Men’s basketball sa Olympics, hinamon ni US Vice President Kamala Harris ang mga atleta na ibalik ang gintong medalya sa US.

Sa isang maikling mensahe sa mga atleta, sinabi ng pangalawang pangulo na ang buong USA ay nagsasaya at ipinagmamalaki ang buong koponan.

Hinikayat nito ang mga atleta na ibulsa ang gintong medalya at iuwi pabalik sa US.

Ang Team USA ay binubuo ng mga future Basketball Hall of Famers na kinabibilangan nina Stephen Curry, Lebron James, at Kevin Durant.

Magsisimula ang laban ng mga tinaguriang pinakamagagaling na basketbolista sa July 28 laban sa Serbia, isang European team na kilala sa magandang opensa at depensa.

Kahapon ay natapos na ang apat na araw na training camp ng koponan at agad sumabak sa tune-up game laban sa NBA star-studded na Team Canada.