Hindi pa umano humiling ang US sa Pilipinas na i-extradite si Pastor Apollo Quiboloy matapos na ito ay kasuhan ng sex-trafficking.
Sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na hindi pa sila nakakatanggap ng request for extradition mula sa Department of Justice ng Amerika.
Paglillinaw pa ng kalihim na walang anumang kahalintulad na kaso sa Pilipinas ang spiritual lider ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, may isang kasong panggagahasa umano itong kinakaharap noong nakaraang taon sa Davao City subalit ito ay nabasura rin.
Magugunitang bukod kay Quiboloy ay kasama rin sa pinapakasuhan doon sa US sina Teresita Tolibas Dandan at Felina Salinas dahil sa pagsasabwatan umano sa nasabing kaso.
Samantala ang Gabriela Party-list ay nanawagan naman sa Department of Justice (DOJ) na maglabas na ng hold departure order laban kay Quiboloy at sa iba pang mga opisyal ng Kingdom of Jesus Christ, the Name Above Every Nation.
Kasabay nito ay hinihimok nila ang pamahalaan ng Pilipinas na makipagtulungan sa US authorities sa kasong ito.
Ito ay sa kabila na rin ng ipinapakitang loyalty ni Quiboloy sa pangulo.
Sinabi pa ng grupo na dapat na magkaroon ng special protection mechanisms para sa iba pang mga biktima na nais magsalita at tumestigo sa naturang church leader.
Sinabi naman ng statement ng kampo na pastor na ang naturang kaso ay bahagi upang siraan lamang ang kanilang lider.
“Once again, another vicious attempt to bring down Pastor Apollo C. Quiboloy and some of the Kingdom leaders has been organized just recently in the United States, but The KJC, The Name Above Every Name and all its followers remain steadfast and committed to faithfully respond to its mission, its ministry and its divine calling despite all the detraction efforts made against them,” bahagi ng statement ng KJC Legal Counsel.