Kumpiyansa si Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na magreresulta ng US$100 billion na halaga ng investments sa Pilipinas ang makasaysayang trilateral meeting ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. kina US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Washington, DC.
Ito ayon kay Romualdez ay batay sa inilatag ng economic managers na economic package sa iba’t ibang sektor kabilang ang enerhiya at digital infrastructure.
Mararamdaman anya ang pamumuhunang ito sa susunod na 5 hanggang 10 taon.
Sabi ng ambassador, excited ang Pangulo sa mga energy company na nagpaplanong magsupply ng maliliit na nuclear power plants sa bansa.
Binanggit nito na may nakatakdang meeting si PBBM sa mga kumpanyang ito gaya ng Ultra Safe, isa sa pinakamalalaking contenders sa pagsu-supply ng small modular nuclear power plants.
Bukod sa maritime cooperation, kabilang rin sa pakay ng trilateral summit na mas palakasin ang economic cooperation ng Pilipinas, Estados Unidos at Japan.