-- Advertisements --

Desidido ang USA Basketball team na makuha ang kampeonato sa 2023 FIBA World Cup.

Ayon kay USA Basketball team coach Steve Kerr na gagamit sila ng mga malalakas na manlalaro ng NBA para matiyak ang kampeonato.

Nagtapos lamang kasi sa pang-pito ang Team USA noong World Cup 2019 na ang nagkampeon ay Spain.

Magugunitang nakumpleto na ang 32 teams na sasabak sa FIBA World Cup ito ay matapos na makapasok ang Serbia ng talunin ang Great Britain 101-83.

Ilang ‘first timers’ na bansa sa World Cup ay ang Cape Verde, South Sudan, Georgia at Latvia.

Habang mayroong 23 koponan na nakapaglaro noong 2019 World Cup ang muling nakabalik kung saan pinakamarami dito ay ang Spain na mayroong 11 beses na nakalahok sa World Cups at pumangalawa ang Puerto Rico na mayroong 10 beses na nakasali.

Magsisimula ang group phase mula Agosto 25 hanggang 30 habang ang second round ay mula Agosto 31 hanggang Setyembre 4.

Gaganapin naman ang quarterfinal games sa Setyembre 5 at 6 habang ang Semifinals ay sa Setyembre 8 at ang championship at third-place game ay gaganapin sa Manila sa Setyembre 10.