Sa wakas nakaisa rin ng panalo ang powerhouse USA Team matapos na ilampaso ang Argentinian national team, 108-80 sa exhibition game sa Las Vegas.
Bago ito ay pinahiya ang mga NBA superstars ng team mula sa Nigeria at Australia.
Sinasabing hirap noong una ang US team sa execution ng kanilang opensa at depensa at halatang kalawangin din ang ilang players bunsod na kagagaling lamang sa NBA playoffs.
Pero sa laro itong araw ay nagpakita na rin sa tibay ng kanilang stamina sa pangunguna ng superstar na si Kevin Durant at si Bradley Beal na kapwa nagbuhos ng tig-17 points.
Kumawala rin sa kanyang mga slam dunk si Zach LaVine at tinapos ang laro 15 puntos.
Ang Argentina ay world’s number 4.
Sa first quarter pa lamang abanse kaagad ang Amerika sa score na 33-10.
Sa halftime naman lamang pa rin ang US, 58-42.
Pagsapit ng third quarter hindi na nagpapigil ang all-NBA squad nang umabot na sa 19 ang kalamangan hanggang sa 4th quarter.
Nagpakita rin ng balanced scoring ang team na liban kina Durant at Beal, sina Damian Lillard at Bam Adebayo ay nagtapos din sa double figures.
Samantala ang pinakasikat na player ng Argentina ay ang 41-anyos na na dating NBA player (2007-2017) na si Luis Scola na nasa kanyang ika-limang Olimpiyada na.
Liban sa kanya meron pang apat na NBA players sa roster na kinabibilangan nina Facundo Campazzo (Denver Nuggets), Leandro Bolmaro (No. 23 overall pick 2020 NBA Draft ng Wolves), Gabriel Deck (Oklahoma City Thunder) at Lucas Vildoza (New York Knicks).
Sa darating na Sabado may rematch ang Team USA at tatangkaing makaganti sa Australia na meron ding ilang mga NBA players.