-- Advertisements --

Binatikos nina US President Donald Trump at tech giant na si Elon Musk ang foreign aid agency na USAID na “corrupt at incompetent”.

Sa isang press conference nitong Martes, oras sa Amerika, pinagtibay ni Trump ang kaniyang commitment sa pamamahala at iginiit na naihalal siya para tiyakin ang katapatan o integridad sa gobyerno ng Amerika.

Sinabi din ni Trump na ang kaniyang pagbusisi sa gobyerno ay hindi lamang sa USAID kundi saklaw din dito ang ilan pang sektor tulad ng edukasyon at militar.

Samantala, kinilala naman ni Elon Musk na itinalaga ni Trump bilang head ng Department of Government Efficiency na maraming nagawang kapaki-pakinabang ang USAID subalit ikinatwiran nito na labis na nakaimpluwensiya umano ang ahensiya sa mga halalan sa kahina-hinalang paraan.

Matatandaan na ipinag-utos ni Trump sa bisa ng isang executive order ang pagpapatigil sa karamihan sa foreign aid ng Amerika alinsunod sa kaniyang “America First” policy na nagpahinto sa daan-daang programa na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong dolyares na pandaigdigang tulong.