-- Advertisements --
pacquiao pacman Ugas belt

Lalong umugong sa international media ang isyu na baka huling laban na ngayong Linggo ni Manny Pacquiao (62-7-2, 39 KOs).

Usap-usapan tuloy na susunod na ang kanyang pagreretiro sa halos tatlong dekada sa kanyang career lalo na kung matalo siya ng Cuban champion na si Yordenis Ugas (26-4, 12 KOs).

Nagpainit pa sa isyu nang mismong magpahiwatig si Pacquiao, 42, na baka ito na nga ang kanyang last fight.

“This could be my last fight or there could be more,” ani Pacquiao nang makapanayam din ng Bombo Radyo.

Sinabi naman ng ilang observers manalo man o matalo si Pacquiao, sigurado na sa hinaharap ay maihahanay siya sa mga Hall of Fame boxers.

Sa 26 na taon na boxing career ng fighting senator, umabot na sa 24 na dati at kasalukuyang mga world champions ang walang takot niyang hinarap sa itaas ng ring.

Kung sakali mang manalo si Pacquiao malalampasan niya ang sariling record bilang oldest welterweight champion sa kasaysayan ng mundo at ang tanging 5-time welterweight champion.

Liban pa ito sa nag-iisang eight division world champion.

manny pacquiao pacman pac

Sinasabing ang laban ni Pacquiao kontra kay Ugas ang kanyang magiging ika-26 na beses sa pay-per-view (PPV) bilang main event.

Mula pa noong taong 2005, nakapagbenta na si Pacquiao ng mahigit sa 20 million buys sa PPV, kung saan katumbas ito sa $1.2 billion na mga kinita.

Pumapangalawa siya sa retired American champion na si Floyd Mayweather Jr. sa total earnings pagdating sa pay-per-view.

Dahil dito tampulan ng debate si Pacquiao kung siya na nga ba ang maituturing na pinaka-exciting na boksingero sa buong mundo sa kasaysayan dahil sa naibibigay niyang saya sa mga fight fans.

Hindi maiwasang naihahanay tuloy siya sa mga boxing legends na sina Mike Tyson at Evander Holyfield na nagmula naman sa heavyweight division.