-- Advertisements --

Nananatiling “guessing game” sa fans ni Ruffa Gutierrez ang katotohanan hinggil sa usap-usapan na ang bagong boyfriend niya ay ang actor politician na si Herbert Bautista.

Ito’y kahit pa lumakas lalo ang isyu sa gitna ng hindi direktang pag-amin ni Ruffa pero isinama nito si Bistek sa Christmas celebration ng kanilang angkan.

Sa video ng 47-year-old beauty queen turned actress, naroon ang mga magulang niyang sina Annabelle Rama at Eddie Gutierrez, dalawang anak sa Turkish ex-husband, at ibang mga kaanak.

Nagbibigay ng regalo si Annabelle sa mga apo nang i-pan ni Ruffa ang video sa may dining table kung saan makikitang katabi niya ang 53-year-old former Quezon City mayor na nagbigay naman ng matamis na ngiti.

Kasama rin nila sa dining table si Monching Gutierrez, anak ni Eddie sa Asia’s Queen of Songs na si Pilita Corrales.

Sa comments section, kanya-kanyang pahayag ng pagkakilig ang fans ni Ruffa dahil sa wakas daw ay isinapubliko nito na nagba-bonding sila ni Herbert.

Noong nakaraang buwan nang ipaubaya ng Miss World 1993 second runner-up kay Kris Aquino ang pagbunyag kung siya ba ang bagong “beautiful girlfriend” ng dating alkalde.

Kung maaalala, nakagirian ng dating presidential sister ang ex-boyfriend na si Bistek dahil sa pag-ungkat ng kanilang “nakaraan” gayong engaged na siya kay dating Interior Sec Mel Sarmiento.

Ugat ng pagkaka-link ni Ruffa kay Herbert ay matapos itong mag-post hinggil sa privacy at happiness kung saan hindi aniya lahat ng magagandang bagay sa buhay ay dapat na ibalandra sa publiko.

Tumindi pa ang hula ng mga netizen nang sabihin nitong siya ay “genuinely happy,” na nagkataong kasabay ng patutsada ng “Queen of All Media” sa actor politician.

Nabatid na sa nakaraang Valentines Day, inihayag ni Gutierrez na focus na lamang siya sa career at dalawang anak nila ng nakahiwalayang Turkish husband, habang hinihintay ang kanyang “Mr. Right.”

Sa showbiz naman, kabilang sa mga naging karelasyon niya ay sina Zoren Legaspi, Aga Muhlach, at John Lloyd Cruz.

Sina Herbert at Ruffa ay gumanap bilang mag-asawa sa hit online series na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.