LEGAZPI CITY – Binigyang diin ng isang maritime law expert na dapat na itaas na sa United Nations ang usapin sa patuloy na pangha-harass ng China sa Philippine Coast Guard na nasa West Philippine Sea.
Ito ay matapos gumamit na ang Chinese Coast Guard ng military-grade laser light sa isang barko ng Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Professor Jay Batongbacal, Director ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, indikasyon lang ang naturang insidente na mas tumitindi pa pagiging agresibo ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Aniya, mas malala ito kumpara sa mga nakaraang aksidente dahil sa ngayon ay gumagamit na ng dahas o tinatawag na threat of force.
Sinabi ni Batongbacal na hindi katanggap-tanggap ang naturang hakbang ng China Coast Guard na isang paglabag sa internatonal law lalo na sa United Nations Charter.
Dahil dito, aniya dapat na itong itaas sa United Nations upang malaman ng buong mundo na hindi totoong naghahanap ang China ng mapayapang solusyon sa pagresolba ng usapin sa West Philippine Sea.
Batay sa arbitral tribunal ruling noong 2016, malinaw na pagmamay-ari ng Piliipnas ang Ayungin Shoal at bahagi rin ng continental shelf ng bansa na matagal ng inaangkin ng China.