Lalo pang tinaasan ng US Department of Agriculture (USDA) ang tinataya nitong bulto ng bigas na aangkatin ng Pilipinas ngayong taon.
Dating sinabi ng USDA na maaaring aangkat ang Pilipinas ng hanggang 4.6 million MT ng bigas ngunit dinagdagan pa ito ng ahensiya at ginawang 4.7 million metriko tonelada.
Katwiran ng USDA, mataas na ang bulto ng bigas na naangkat ng Pinas sa unang kalahating bahagi ng 2024 at ito ay posibleng tataas pa.
Batay sa kasalukuyang datos ng pamahalaan, ang rice import ng Pilipinas mula Enero hanggang Hunyo ay tumaas na sa 2.319 million MT mula sa dating 1.863 million MT na naitala noong nakalipas na taon sa parehong panahon.
Sinabi pa ng ahensiya na ang naunang desisyon ng pamahalaan ng Pilipinas na tapyasan ang taripa ng bigas at gawing 15% lamang ay posibleng magpapababa sa presyo ng imported na bigas. Gayunpaman, tiyak din umano itong magdudulot ng mas mataas na konsumo sa bansa.
Batay din sa obserbasyon ng USDA, nagdadahan-dahan na rin umano ang iba pang international agencies at mga bansa na ilabas ang kanilang stock ng bigas kasunod ng naturang development, at tiyak na biglang ibabagsak ito kasabay ng pagiging epektibo ng bagong ipinapataw na taripa ng imported rice.
Samantala, iniulat din ng naturang ahensya ang pagbaba ng hanggang tatlong porsyento sa presyo ng bigas mula sa Vietnam mula Mayo hanggang Hunyo.
Batay sa datus, ang bigas mula Vietnam na 5% broken ay nabibili lamang sa presyong $549 kada metriko tonelada habang noong Mayo ay umaabot ito sa $568 kada metriko tonelada.