-- Advertisements --

Sinagot ni Palace Press Office USec. Claire Castro ang naging pahayag ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na kahit gaano kagaling ang salesman kung hindi naman maganda ang produkto ay mahihirapan itong ibenta.

Tugon ni USec Castro, talaga namang mahirap ibenta ang bulok o masamang produkto lalo kapag ang ibinibenta ay kailangan pang linisin ang mga sinasabi.

Giit pa nito na mahirap ibenta ang mga tao na palaging nagbabanggit ng “joke lamang iyan.”

Tahasang kinontra ni Castro ang pahayag ni Roque, sinabing hindi sila salesman ng gobyerno kundi messenger sila o tagabigay ng mensahe.

Paliwanag nito ang salesman ay dapat maganda ang pananalita para maibenta ang produkto kahit hindi totoo ang sinasabi.

Ayon sa opisyal, bilang messenger ay gusto nilang malaman ng publiko kung ano ang maaaring mapakinabangan ng taumbayan mula sa gobyerno at kung paano makatutulong ang mga programa nito sa mga tao.