-- Advertisements --

LA UNION – Nagpasalamat si Office of Civil Defense Usec. Ricardo Jalad sa lokal na pamahalaan ng La Union at sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa pagpapatayo at pagkumpleto ng P60 million halaga na OCD building sa San Fernando City, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Usec. Jalad, sinabi nito na magsisilbing ‘point of convergence’ ng lahat ng mga stakeholders ang nasabing opisina at malaking tulong ito para sa mas epektibong pagpapatupad ng kanilang tungkulin sa bayan, lalo ang pagresponde sa mga kalamidad.

Si Usec. Jalad ang nagsilbing pangunahing pandangal sa pagpapasinaya sa bagong opisina ng ahensiya kahapon, Nobyembre 25 ng taong kasalukuyan.

Una nang sinabi ni OCD Region 1 Director Melchito Castro, na ito ang kanyang magiging legacy sa kanyang pagreretiro sa serbisyo sa susunod na araw.

Napag-alaman na 45 taon na sa serbisyo si Castro at nakatakda na itong magretiro sa susunod na araw alinsunod sa mandatory age na 65.

Gayunman, sinabi ni Jalad na wala pa silang napipiling papalit sa iiwanang posisyon ni Castro.