Nagpositibo sa COVID-19 virus si NDRRMC executive director at Civil Defense Administrator (OCD) Usec. Ricardo Jalad.
Ito ang iniulat ngayong umaga ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal.
Ayon kay Timbal, kasama si Jalad sa 116 na mga tauhan ng OCD na nagpositibo sa COVID-19 kahapon.
Mayroon umanong mild symptoms si Jalad at ngayon ay naka -isolate na.
Sinabi ni Timbal na fully vaccinated na rin laban sa COVID-19 si Jalad.
Samantala, sarado muna ngayon ang central office ng Office of the Civil Defense (OCD) sa loob ng Kampo Aguinaldo matapos nagpositibo ang nasa 116 civil defense staff.
Ayon pa kay Timbal, isinalang sa RT-PCR test ang nasa 218 na kanilang mga tauhan, matapos magpositibo sa nakamamatay na virus ang dalawa nilang tauhan.
Gayunpaman sinabi ni Timbal na 80% sa 116 na OCD staff na infected ng COVID-19 ay asymptomatic.
Ang OCD ay mayroong kabuuang 380 personnel.
Ayon kay Timbal regular aniyang, nagsasagawa ng antigen testing ang OCD para matiyak na ang kanilang 30% skeletal workforce ay protektado habang ginagampanan ang kanilang mga trabaho.
Sa ngayon,nasa isolation facilities na ang mga nasabing personnel.
Iniulat din ni Timbal, na lahat ng kanilang personnel ay fully vaccinated.
Kahapon, August 26, 2021 inilabas ang RT-PCR test.
As of 7PM kagabi 17 sa mga personnel ng OCD ang nagnegatibo sa COVID-19 virus kabilang na dito si Timbal ang tagapagsalita ng ahensiya.
Aminado si Timbal na ito ang kauna-unahang insidente na nagkaroon ng ganitong kadami na tauhan nila ang nagpositibo sa virus.
Aniya ang pinaka huling RT-PCR test na isinagawa sa kanilang sketal team, anim na tauhan ang nagpositibo.
Nilinaw naman ni Timbal na magpapatuloy pa rin ang pagbibigay serbisyo ng NDRRMC operation center dahil hindi ito kasama sa temporary closure ng OCD central building.
Bilang pag-iingat magsasagawa sila ng disinfection sa buong building dahilan para isara muna ang central office hanggang August 30.
Sa ngayon, online na muna ang magiging transaksyon at kanilang ipatutupad muna ang work from home arrangement.
Dagdag pa ni Timbal, hindi kasama sa nagpositibo sa COVID-19 ang kanilang mga staff mula sa operation center kaya tuloy pa rin ang kanilang trabaho.
May arrangement na rin ginagawa ngayon ang OCD para isalang din sa RT-PCR test ang mga kamag-anak ng kanilang mga staff na nag-positive.
Kanila na rin inabisuhan ang mga pamilya ng kanilang mga staff na magsagawa na rin ng isolation, limitahin ang kanilang mga galaw at istriktong sundin ang Minimum Public Health Standard habang hinihintay ang swab test.