Kasalukuyang nakadeploy sa disputed waters ang nuclear-powered aircraft carrier ng US Navy na USS Carl Vinson (CVN 70).
Ito ay parte ng routine operations ng US Navy sa gitna ng pinaigting pa na tensiyon sa rehiyon sa pagitan ng Pilipinas at China matapos na manatili ng 4 na araw at nagi-ikot ang tinaguriang monster ship ng China sa may katubigan ng Zambales na nasa loob ng 200 nautical miles exclusive economic zone ng Pilipinas.
Bagamat ayon sa PCG nitong Miyerkules, nakaalis na ang monster ship ng China na huling namataan sa layong 90 nautical miles mula sa coastline ng Zambales, may panibago naman aniyang China Coast Guard vessel ang pumalit.
Ayon sa US Department of Defense, simula pa noong Enero 3, nagsasagawa na ng routine flight operations ang Nimitz-class aircraft carrier sa pinagtatalunang karagatan.
Galing ang naturang US aircraft carrier mula sa Port Klang, Malaysia noong nakalipas na linggo matapos ang port call nito sa Kuala Lumpur.
Ang USS Carl Vinson ay may habang 1,092 talampakan na kayang magkarga ng 90 aircraft at mahigit 5,000 personnel kabilang ang crew at air wing.