Bumawi nang panalo ang Utah Jazz makaraang tambakan ang Sacramento Kings, 154-105.
Bago ito lumasap ng dalawang sunod na talo ang NBA leading team sa kulelat na Minnesota.
Sa pagkakataong ito, hindi na nagpaawat pa ang Jazz kung saan sa unang siyam na minuto pa lamang sa first quarter ay agad na silang lumamang ng 17 puntos.
Nanguna sa opensa si Bojan Bogdanovic na umiskor ng 24 points para sa kanilang ika-45 panalo.
Ang Fil Am naman na si Jordan Clarkson ay nag-ambag ng 23 points mula sa bench para tumipon ang koponan ng 24 na mga 3-pointers.
Hindi rin nagpapigil si Rudy Gobert nang kumamada ng 12 points at 10 rebounds at si Georges Niang naman ay nagpakitang gilas sa 19 puntos at limang mga 3s.
Maging si Matt Thomas ay uminit din sa 17 points.
Hindi nakayanang tapatan ng Kings ang 64% overall na ginawa ng Jazz kung saan naipasok ang 24 mula sa 41 na pagtatangka sa 3-point areas.
Sa tindi ng swerte ng Jazz pagsapit ng second quarter umabot na sa 54 ang kanilang abanse.
Ang dating franchise record ng Utah sa dami ng puntos na umabot sa 153 ay noon pang 1977-78 laban sa New Orleans.
Para sa Kings (25-37) ito na ang kanilang ika-12 talo mula sa huling 15 games.
Nanguna sa koponan si Buddy Hield na nagtapos sa 18 points at seven assists.
Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalaro ang dalawang All-Star guards ng Utah na sina Donovan Mitchell at Mike Conley.
Ang Jazz ay unang nang nakopo ang playoff slot sa Western Conference.