-- Advertisements --
Utah quake by OFW

Pansamantalang pinatigil ang operasyon ng Salt Lake International Airport at kinansela ang lahat ng flights kasunod ng magnitude 5.7 na lindol sa estado ng Utah sa Amerika.

Ayon sa Utah Emergency Management, ito na ang pinakamalakas na naramdamang lindol sa estado mula 1992.

Gayunman, matapos ang ilang oras ng monitoring at pagsasaayos ay binuksan na uli ang nasabing paliparan.

Kabilang naman sa mga nasira dahil sa pagyanig ay ang trumpet ng Statue of Angel Moroni.

Nawalan din ng suplay ng kuryente sa maraming bahagi ng estado.

Sa panayam ng Star FM Baguio kay Bombo International Correspondent Mercy Fernandez, Pinoy na residente sa Utah, ibinahagi niya na nagulat ito sa biglaang malakas na pagyanig.

“Nasa kwarto ako. My husband was already working from home sa kabilang kwarto. Naramdaman ko talaga kasi nasa second floor ako. Of course, nag pray na ko kasi natakot na ko. Yung anak ko, from the basement, pumunta siya dito sa kwarto ko sa second floor. And then, my husband, pumunta sa kwarto ko to check on us. Then we started hugging each other. Mababait yung mga neighbor ko. She checked on us. Sinabihan niya kami na mag ready. Dapat meron kaming bag na may mga necessities, and yung sasakyan kung pwedeng ilabas from the garage para ready to go kung sakaling may mangyari.”

Nagdulot din aniya ng matinding takot ang lindol, lalo pa’t dumagdag ito sa panic na nararamdaman ng mga tao dahil sa Coronavirus Disease 2019.

“Medyo hindi maganda yung mga nangyayari kasi it’s a combination of coronavirus at yung earthquake. Hopefully, wala ng masyadong aftershocks,” kuwento pa nito.

Wala namang naitalang matinding injuries at nasawi sa paglindol.