Iniulat ng Bureau of Treasury na lumobo pa ang utang ng Pilipinas sa P15.35T as of May ng kasalukuyang taon.
Ayon sa ahensya, ang kabuuang utang ay tumaas ng P330.39 bilyon o katumbas ng 2.2 percent sa katapusan ng April 2024.
Ito ay dahil na rin sa epekto ng pagbaba ng halaga ng local currency sa valuation ng foreign-currency denominated debt.
Nakapagtala rin ang bansa ng year-on-year na pagtaas sa utang nito na aabot sa 8.4 percent.
Batay sa kabuuang debt stock ng national government, 31.96 percent ang external debt habang 68.04 percent ang domestic debt.
Ang domestic debt level sa katapusan ng buwan ng Mayo na P10.44 trilyon ay mas mataas ng 1.3 percent kumpara sa katapusan ng Abril.
Paliwanag ng BTr na ang pagtaas ay nagresulta mula sa P131.66 bilyong net issuance ng government securities at P2.68 bilyong epekto ng peso depreciation sa foreign-currency denominated domestic debt.
Samantala, ang local debt ng bansa ay pumalo sa pagtaas ng 8.9 porsiyento noong Mayo.
Tumaas rin ang external debt ng gobyerno sa P4.9 trilyon na mas mataas ng 4.2 porsiyento kumpara sa pagtatapos ng buwan ng Abril.
Ang external debt naman ay tumaas ng 7.4 porsyento sa year on year na batayan.