Muling lumobo ang utang ng gobyerno sa P15.48 trillion sa pagtatapos ng Hunyo ayon sa datos mula sa Bureau of Treasury (BTr).
Pangunahing dahilan ay ang pagtaas ng panloob at panlabas na utang na sinabayan pa ng paghina ng halaga ng peso.
Batay sa data ng BTr, tumaas ang kabuuang obilgasyon ng estado ng P135.90 billion noong Hunyo, mas mataas ito ng 0.9% mula noong Mayo.
Kung ikukumpara naman noong nakalipas na taon, lumaki ito ng 9.4% o katumbas ng P1.335 trillion.
Sa panloob na utang ng gobyerno, tumaas ito ng 1.2% o P10.57 trillion noong Hunyo bunsod ng paglalabas ng government securities na nagkakahalaga ng P129.9 billion.
Habang ang outstanding external debt o panlabas na utang ng gobyerno ay tumaas ng 0.1% o P4.91 trillion noong Hunyo at karagdagang P5.62 billion. Bunsod ito ng net borrowing at revaluation ng dollar-denominated debt dahil sa paghina ng halaga ng peso na na-offset naman ng P13.56 bilyong tapyas mula sa paborableng adjustments sa ibang currencies.