Lumobo pa ang kabuuang utang ng gobyerno ng Pilipinas sa P16.31 trillion sa pagtatapos ng Enero 2025, base sa datos ng Bureau of Treasury (BTr).
Mas mataas ito ng P261.47 billion o 1.63% kumpara noong Disyembre 2024, dahil mas maraming nautang ang pamahalaan at tumaas ang halaga ng mga utang sa dolyar ng ating bansa bunsod ng pagtamlay ng halaga ng piso.
Napansin ng Treasury na ang halaga ng piso ay humina sa P58.375 sa pagtatapos ng Enero 2025 mula sa P57.847 sa pagtatapos ng 2024.
Sa kabuuan, nasa 67.9% dito ay mula sa panloob na utang habang ang natitirang 32.1% ay mula sa panlabas na utang.
Sa pagtatapos ng Enero, tumaas sa P11.08 trilyon ang panloob na utang habang lumobo din sa P5.23 trilyon ang utang sa ibang bansa.
Sa kabila nito, sinabi ng BTr na nananatiling manageable ang utang ng gobyerno at naaayon sa target nito na suportahan ang pag-unlad ng ekonomiya habang tinitiyak ang pagpapanatili ng pananalapi.
Sinabi din ng mga economic managers na walang dapat ikabahala sa lumalaking utang ng bansa hangga’t patuloy ang paglago ng ekonomiya.