Lumobo sa ₱14.10 trillion ang kabuuang utang ng pamahalaan sa pagtatapos ng Mayo ngayong taon ayon sa Bureau of the Treasury.
Ang halaga ay tumaas ng 1.3% o ₱185.40 bilyon mula sa nakaraang buwan dahil sa net issuance ng panloob at panlabas na utang gayundin ang pagbaba ng halaga ng piso kontra sa US dollar.
Karamihan sa utang o 68% ay galing sa panloob na utang ng bansa, habang 32% ay mga panlabas na utang.
Ang panloob na utang ng bansa ay tumaas sa ₱9.59 trillion na mas mataas ng 1.4% o ₱130.67 billion kumpara sa naitala noong pagtatapos ng Abril. Ang pagtaas sa domestic debt ay dahil sa net issuance ng government securities kasama ng paghina ng halaga ng peso laban sa greenback.
Samantala, ang panlabas namang utang ng bansa ay umabot sa ₱4.51 trillion, tumaas ito ng 1.2% o ₱54.73 billion mula sa nakaraang buwan.