Lumobo sa P15.02 trillion ang utang ng Pilipinas sa pagtatapos ng buwan ng Abril sa gitna ng pagtamlay ng halaga ng PH peso ayon sa Bureau of Treasury (BTr).
Mas mataas ito ng P91.5 billion o 0.61% mula noong Marso subalit nananatiling mababa sa naitalang P15.18 trillion noong Pebrero.
Mula sa kabuuang utang ng gobyerno, aabot sa P4.71 trillion o katumbas ng 31.36% ang panlabas na utang habang 68.64% o katumbas ng P10.31 trillion ang panloob na utang.
Nadagdagan ng P31.01 billion ang panloob na utang noong Abril matapos na maglabas ang gobyerno ng mas maraming securities.
Nakadagdag din ng P3.78 billion ang paghina ng peso sa foreign-currency-denominated domestic debt.
Matatandaan na malaki ang nautang ng bansa sa huling bahagi ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte para pondohan ang pandemic response nito at masustentuhan ang infrastructure project ng administrasyon.