Lumobo ang kabuuang utang ng Pilipinas sa P15.89 trillion sa pagtatapos ng buwan ng Setyembre 2024.
Ayon sa Bureau of Treasury (BTr), tumaas ito ng P343.11 billion o 2.2% mula noong Agosto na nasa P15.55 trillion.
Paliwanag ng ahensiya na ang paglobo ng utang ng gobyerno ay bunsod ng karagdagang inutang sa mga local at foreign lenders para mapunan ang budget deficit.
Sa panloob na utang na katumbas ng 68.81% ng kabuuang utang, tumaas ito ng 1.3% o nasa P10.94 trillion noong Setyembre dahil sa P145.11 billion net issuance ng new government securities. Bahagya itong na-offset ng P460 million na pagbaba sa halaga ng US dollar-denominated securities at paglakas ng Philippine peso kontra dolyar.
Sa panlabas na utang naman noong Setyembre, pumalo ito sa P4.96 trillion, tumaas ng 4.2% mula noong Agosto bunsod ng P200.89 billion net foreign borrowings kabilang ang P140.00 billion na itinaas mula sa inilabas na US dollar bond.
Matatandaan noong nakalipas na taon, lumobo din ang utang ng gobyerno ng 11.4% o karagdagang P1.6 trillion noong Setyembre 2023 na nasa kabuuang P14.27 trillion.