Nagpaliwanag ang Philippine Health Insurance Corporations (PhilHealth) kung bakit malaki pa rin ang pagkakautang nito sa Philippine Red Cross (PRC) at ilang pribadong ospital sa bansa.
Sinabi ni PhilHealth president Dante Gierran, mayroong delay sa pagbabayad ng state insurer sa mga utang dahil may mga tinatawag na good and bad claims.
Ayon kay Atty. Gierran, ibig sabihin, may ilang mga requirements na hindi naisusumite ang ilang pribadong ospital o healthcare provider at Red Cross kaya kanila itong isinosoli para makompleto muna.
Kung gaano umano kabilis ang entry o makakompleto ng requirements ang mga ospital ohealthcare providers ganun din naman kabilis mapoproseso nila ang claims at ang pagbabayad.
Binigyang-diin ni Gierran na kinikilala nila ang mga pagkakautang ng PhilHealth dahil araw-araw naman talagang may pumapasok na pasyente sa mga ospital o healthcare provider.
Sa ngayon, inihayag ni Gierran na sa kaniyang tantiya, mayroon na lamang silang natitirang P300 million na utang sa Red Cross dahil may pinirmahan na naman siyang tseke na nagkakahalaga ng P100 million para maibayad habang tinatapos pa nila ang validation sa mga test na isinagawa rito.