Uutang na naman kung sakali ang Pilipinas kung sakali na matuloy ang suspension ng fuel excise tax, ayon kay Department of Finance (DOF) spokesperson Asec. Paola Alvarez.
Iginiit ni Alvarez na ngayon pa lang ay aabot na sa P12.3 trillion ang utang na mayroong ang Pilipinas, na tumaas lalo ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Alvarez, kapag masuspinde ang fuel excise tax ay aabot sa P105.9 billion ang mawawala sa pondo ng pamahalaan.
Ang ganito kalaking halaga ay malabo aniyang mabawi mula sa iba pang mga pondo na mayroon ang gobyerno.
Mababatid na ilang beses nang iginiit ng DOF na tutol sila sa mungkahi na pansamantalang suspendihin ang excise tax sa langis kasunod nang ilang serye nang pagsirit ng presyuhan.
Isa sa mga hakbang na gagawin ng gobyerno para matulungan ang mga mahihirap na apektado nang oil price hike ay ang paggawad ng P200 na buwanang cash aid para sa pinakamahirap na pamilya sa buong bansa.
Sinabi ni Alvarez na ang Department of Social Welfare and Development ang siyang magpapatupad ng naturang programa para sa 50 percent ng lowest income household sa Pilipinas.