-- Advertisements --

Patuloy na tumataas ang utang ng Pilipinas sa kapwa domestic at offshore.

Iniulat ng Bureau of the Treasury na ang natitirang utang ng pambansang pamahalaan ay umabot sa P12.093 trilyon noong Pebrero, isang pagtaas ng 16 porsyento mula sa P10.405 trilyon noong nakaraang taon.

Sa kabuuang stock ng utang, 69.6 porsyento ay hiniram sa loob ng bansa, habang ang natitirang 30.4 porsyento ay mula sa mga dayuhang nagpapautang.

Sa pagtatapos ng Pebrero, ang natitirang utang na hawak ng mga lokal na bangko ay tumaas ng 14 porsiyento sa P8.413 trilyon mula sa P7.363 trilyon.

Pangunahing binubuo ang mga ito ng government securities na nagkakahalaga ng P8.113 trilyon, isang 19 porsiyentong pagtaas mula sa P6.822 trilyon.

Ang foreign debt, sa kabilang banda, ay tumaas ng 21 porsiyento sa P3.680 trilyon noong Pebrero mula sa P3.042 trilyon noong nakaraang taon.

Sa kabuuang foreign obligations, umabot sa P1.996 trilyon ang mga utang sa mga foreign lender, habang umabot sa P1.684 trilyon ang mga pautang mula sa mga development partners ng bansa.

Bagama’t ang karagdagang mga pangungutang sa ibang bansa ay nag-ambag sa pagtaas ng utang, ang humihinang piso ay nagdulot din ng higit pang pagtaas ng mga natitirang outstanding obligations ng pamahalaan.

Samantala, inihayag naman ng Treasury bureau na ang gobyerno ay nagpaplanong humiram ng P200 bilyon mula sa domestic market sa Abril, mas mababa sa P250 bilyon na itinakda para sa Marso.

Plano ng bureau na magbenta ng P60 bilyong halaga ng mga short-dated na IOU o Treasury bill at P140 bilyon ng mga long-tenor notes, o Treasury bond.