Record high na naman ang sovereign debt ng Pilipinas as of July 30, 2024 habang nagpapatuloy rin ang pag-utang ng gobyerno ng Pilipinas para punduhan ang budget nito para sa mga programa at proyekto.
Ito ay batay sa inilabas na datos ng Bureau of the Treasury ngayong araw.
Ayon sa ahensya , lumubo na ito sa P15.689 trillion na katumbas ng 1.3% na pagtaas mula sa P15.483 trillion na outstanding debt na naitala noong katapusan ng Hunyo sa parehong taon.
Paliwanag pa nito na ang P206.49-bilyon na month-on-month na pagtaas ng utang ng bansa ay dahil na rin sa net issuance ng panloob at panlabas na utang .
Ayon sa ekonomistang si Michael Ricafort, ang patuloy an pagtaas ng inflation ay ang dahilan kung bakit tumataas ang paggasta ng gobyerno.
Maliban dito ay mataas rin ang interes rate habang bahagyang humina ang palitan ng piso mula noong 2022 dahilan para tumaas naman ang halaga ng pagbabayad sa utang.
Una nang sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na maaari pang lumubo ang utang ng Pilipinas sa P20 trillion sa pagtatapos ng termino ni PBBM sa 2028.
Naniniwala ang kalihim na ang paglago sa ekonomiya ng bansa ay mas hihigit pa sa kabuuang halaga ng utang ng pamahalaan.