-- Advertisements --

Binigyang diin ng Department of Finance na nananatiling manageable ang utang ng bansa.

Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto nitong Huwebes, ang bansa ay nasa landas na ibaba ang ratio ng debt-to-GDP sa mas mababa sa 60 porsiyento pagsapit ng 2025.

Ang paglago ng 2023 gross domestic product (GDP) na 5.6 porsiyento ay nagdala sa debt-to-GDP ratio ng bansa sa 60.2 porsiyento.

Ito ay bumaba mula sa 60.9 porsiyento noong 2022.

Gayunpaman, ang kasalukuyang debt-to-GDP ratio, isang masusing binabantayang indicator ng kakayahan ng isang bansa na bayaran ang utang nito, ay nasa itaas pa rin ng 60-percent threshold na itinuturing ng mga credit rating agencies na mapapamahalaan para sa mga umuunlad na ekonomiya tulad ng Pilipinas.

Ayon kay Recto, nananatiling nakatuon ang gobyerno sa pagpapabuti ng ekonomiya ng Pilipinas.

Aniya, matatag ang DOF sa kanilang pangako upang matiyak na ang pag-unlad ng ekonomiya ay nararamdaman ng mga mamamayang Pilipino sa pang-araw-araw na buhay.

Una nang iniulat ng Bureau of Treasury na ang pambansang utang noong 2023 ay umabot sa P14.62 trillion na kung saan tumaas ng 8.92% year-on-year.