-- Advertisements --

Posible umanong inabot pa ng P15.4 trilyon ang utang ng pamahalaan kung hindi naging maingat sa paggastos o walang disiplina sa paglustay ng pondo ang administrasyong Duterte sa pagtugon sa nakalipas na dalawang taon ng pandemya ng COVID-19.

Ito ang tinuran ni Department of Finance (DOF) Undersecretary Gil Beltran sa gitna ng paglobo pa ng utang ng bansa sa P12.76 trilyon nitong pagtatapos ng Abril.

Ayon kay Beltran, gumastos ang national government ng kailangang pondo, pero hindi higit sa kaya lang ng bansa.

Aniya, tinutukan ng pandemic response ng gobyerno ang pagsustento sa pinakamahalagang health interventions tulad ng pagbili ng bakuna at emergency relief measures o ayuda para sa pinakamahihirap na populasyon na matinding naapektuhan ng pandemya.

Sa ilalim aniya ng Bayanihan to Recover As One Act o Republic Act 11494, masusing binantayan ng DOF na malimitahan lamang sa P140 bilyon ang pondo, sa kabila ng maraming pagtutol ng iba’t-ibang stakeholders.

Sa katunayan aniya, hindi sinuportahan ng pamahalaan ang ilang stimulus bills, na kapwa nagmumungkahi na maglaan ng daan-daang bilyong pisong pondo, dahil batid aniya nilang magpapataas ito ng deficit at utang ng bansa.

Para matugunan ang epekto ng pandemya, sinabi ni Beltran na umutang ang pamahalaan mula sa multilateral partner-institutions para makabili ng sapat na suplay ng bakuna para sa target population.

Naging daan aniya ang vaccination program ng pamahalaan, pagpapatupad ng alert level system na may granular lockdowns, at dinagdagdan ang kapasidad sa mga pampublikong transportasyon para muling mabuksan ang ekonomiya at maibalik ang trabaho ng maraming Pilipino.