DAGUPAN CITY – Isang masalimuot na love triangle ang nakikitang motibo ng mga otoridad sa nangyaring pananaga ng isang utility worker na siya namang ikinasawi ng construction worker sa bayan ng Mangatarem.
Ito ang nabatid mula kay Police Major Reiley Manantan, OIC ng Mangatarem Police Station, sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan kasunod ng insidente.
Aniya, base sa kanilang nakalap, dahil sa love triangle ang nakikitang motibo ng suspek na si Raymundo Cabaliw, 43 anyos, utility worker, na residente ng Brgy. Caturay Norte sa nasabing bayan sa pagpaslang sa biktimang si Eduwardo Herrera, nasa hustong gulang, may asawa, isang construction worker, at residente ng Brgy Parian, sa nasabing bayan.
Paliwanag pa ni Manantan, bago ang insidente ay nag-iinuman pa ang dalawa kasama ang isang mag-asawa sa tahanan ng mga ito sa Barlin St., Brgy Torres Bugallon, Mangatarem, nang nakaramdam umano ng selos ang suspek matapos na bumili ng alak at tsokolate ang biktima. Kinumpirma naman ng opisyal na ang asawa ng kanilang kainuman ang kapwa nililigawan ng mga ito.
Samantala, inihayag pa ni Manantan, na ang modus ng suspek ay lasingin ang asawa ng kanilang kainumang ginang at kapag ito ay lasing na ay doon naman ito poporma sa misis. Subalit noon aniyang mangyari ang insidente ay napag-alamang pinopormahan narin pala ng biktima ang ginang dahilan upang ang ito ay humantong sa isang malagim na trahedya.