GENERAL SANTOS CITY – Inaasahang muling mababanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang iniutos na pagpapasara sa Kabus Padatuon o KAPA Community Ministry International Inc., sa kaniyang pagbisita sa lungsod sa Huwebes, Hunyo 13.
Nataon kasi ang schedule ng prayer rally ng mga miyembro ng nasabing investment scam ngayong araw na gagawin sa Pedro Acharon Sports Complex sa Barangay Calumpang, at ang pagbisita ng pangulo na gagawin naman sa GenSan Gymnasium sa Barangay Lagao, upang mamigay ng nasa 13,000 land titles sa mga agrarian reform beneficiaries.
Una nang tiniyak ng General Santos City Police Office na “in place” na ang ipapatupad na mahigpit na seguridad, katulong ang AFP, upang hindi makalapit ang mga KAPA members sa pangulo.
Habang palaisipan naman kung makakadalo ang founder ng nasabing investment scam na si Joel Apolinario sa kanilang prayer rally.
Hindi pa rin kasi ito mahagilap makaraang ni-raid ng National Bureau of Investigation at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga KAPA offices sa iba’t ibang lugar sa bansa kasama ang tanggapan ng iba pang mga investment groups, pati ang pamamahay ni Apolinario sa lungsod nitong Lunes.
Matatandaang inihayag ng Securities and Exchange Commission (SEC) at NBI na patung-patong na kaso ang kakaharapin ni Apolinario at mga opisyal ng KAPA dahil sa napatunayang investments at hindi donasyon ang operasyon nit0, na paglabag sa Securities Registration Code of the Philippines.
Samantala, kahit na iginiit at pinagdiinan na ng SEC at NBI na iligal ang operasyon ng KAPA at iba pang mga investment scams sa lungsod ay in denial pa rin ang marami sa kanilang mga miyembro.