MANILA – Inamin ng Food and Drug Administration (FDA) na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na magsagawa ng clinical trials ang Pilipinas para sa gamot na ivermectin.
“Inutos ng pangulo nung huling meeting namin nung Huwebes,” ani FDA director general Eric Domingo.
Kung maaalala, kinontra ng Department of Science and Technology (DOST) ang pagsasagawa ng clinical trials ng ivermectin dahil maraming bansa na raw ang nag-aaral sa bisa nito laban sa COVID-19.
“(Pero) si presidente mismo ang nag-utos na aralin kasi nga marami rin siyang naririnig na sumusuporta at may mga siyentipiko na nagsasabing kulang pa ng ebidensya,” paliwanag ng opisyal.
Nitong Huwebes nang kumambyo ang Science department at sabihin maglulunsad ang pamahalaan ng clinical trials para sa ivermectin.
Ayon kay DOST Sec. Fortunato de la Pena, anim na quarantine facilities malapit sa UP-Philippine General Hospital ang pagdadausan ng pag-aaral na tatagal ng walong buwan.
Binubuo na raw ng Philippine Council for Health Research and Development ang disenyo ng clinical trials.
“Hihintayin natin ang resulta and it will be very useful, especially dahil clinical study yan ng DOST at PCHRD and that will be really helpful to guide us in the future,” ani Domingo.
Nilinaw naman ng opisyal na walang kinalaman ang desisyon na clinical trials sa paggawad nila ng compassionate special permit sa dalawang ospital para gumamit ng ivermectin kamakilan.
Sa ngayon may ilang kompanya na raw ang nagpasa ng aplikasyon para mai-rehistro ang ivermectin sa bansa.
“Mayroon nang mga sumulat sa atin at nag-apply na (for certificate of product registration of ivermectin). Fina-facilitate at ine-expedite natin. Binibigyan ng clear guidelines kung anong kailangan i-submit nila.”
Una nang sinabi ng FDA na ang rehistrado pa lang na ivermectin sa Pilipinas ay para sa pampurga ng mga hayop.
Ayon naman sa World Health Organization at drugmaker na Merck, sa ngayon, wala pang sapat na ebidensyang epektibo at ligtas gamitin ng tao ang ivermectin panlaban sa coronavirus.