Umani ng sari-saring reaksiyon sa Kamara de Representantes ang kahilingan ng Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng pag-review ang kongreso kaugnay sa oil deregulation law upang makaagapay ang gobyerno sa walang humpay na oil price hike.
Ayon sa ilang kritiko, matagal na nilang hinihiling na ibasura ang naturang batas dahil hindi naman daw napipigilan ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Para naman kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ibinalik niya ang hamon sa Malacanang na kung seryoso raw ay dapat manguna rin na sertipikahan ito bilang urgent kung nais pakialaman ang batas.
Sinasabi kasi ng Department of Energy (DOE) na nais nilang amyendahan ang batas kabilang ang probisyon na ang excise tax sa langis ay dapat otomatikong sususpindehin kung ang krudo ay umabot na sa $80 per barrel sa magkakasunod na buwan.
Nagpanukala naman si House Ways and Means chairman Rep. Joey Salceda upang makaagapay ang bansa sa presyuhan sa world market.
Kabilang sa kanyang proposisyon ay ang pagbuo ng strategic petroleum reserve.
Sinabi ng mambabatas, kailangan din daw ang batas ay magkaroon ng pagtukoy kung saan napupunta ang retail prices ng fuel, at pag-ibayuhin ang price transparency.
Nagpanukala pa ang chairman ng komite na dapat i-require sa lahat ng mga fuel retailers na palaging magbigay ng update kung may pagbabago sa retail prices sa isang central government database para sa maayos na monitoring.