Welcome para sa liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng special session at ang pagsertipikang urgent sa 2021 General Appropriations Bill.
Sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano, tiwala sila sa “wisdom” ng Pangulo sa kung paano dapat resolbahin ang mga issue hinggil sa budget.
Nagpapasalamat din ito sa walang humpay na tiwala sa pamamagitan nang pagpayag sa Kongreso na aprubahan ang GAB na walang bahid daw ng pamumulitika at intriga na kanilang iniwasan sa simula’t sapul pa lang.
Sa ngayon, sinabi ni Cayetano na patuloy ang kanilang trabaho at paghahanda para sa mabilis na pag-apruba sa panukalang pambansang pondo para sa susunod.
Titiyakin din aniya nila na ang budget para sa 2021 ay “responsive and relevant” sa overall recovery efforts ng pamahalaan sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Una nang nagalit at nagbanta ang Pangulong Duterte nitong nakalipas na gabi sa Kamara na ayusin ang gusot kasunod nang pangamba na mauwi sa reenacted ang 2021 national budget.
Samantala, suportado rin naman ng Minority bloc sa Kamara ang pagdaraos ng special session sa Oktubre 13 hanggang 16.
Gayundin ang pag-certify ng urgent sa 2021 General Appropriations Bill.
Inihayag ni Minority Leader Bienvenido Abante Jr. ipinapakita lamang daw sa naging direktiba ng Pangulo ang kahalagahan nang pagpasa ng budget ng sakto sa oras upang sa gayon ay kaagad na maipatupad ng pamahalaan ang mga programa at proyektong kailangan para tugunan ang epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya, at makapagbigay ng sapat na tulong sa mga nangangailangan.
“We in the Minority support any initiative that will fast-track the deliberations and subsequent passage of the 2021 national budget,” saad ni Abante sa isang statement.