Mariing pinabulaanan ni Cabinet Sec. Karlo Alexei Nograles ang ispekulasyon na inutusan ang mga ospital na itago ang bilang ng mga namamatay dahil sa COVID-19 sa bansa.
Sa isang virtual presser nitong umaga, muling binigyan diin ni Nograles, tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, na pawang kasinungalingan ang sinasabing direktiba na umano’y nanggaling mula mismo sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni Nograles na naglabas na ng pahayag ang DOH patungkol dito, kung saan nilinaw ng ahensya na wala silang inilalabas na utos sa mga ospital na huwag isapubliko ang bilang ngmga namamatay ng dahil sa COVID.
Kasabay nito ay sinabi ng opisyal na lahat ng mga impormasyong inilalabas ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay pawang totoo.
“Various government functionaries regularly appear on media to give updates on the different actions being taken in response to the COVID-19 outbreak. Tuluy-tuloy ang pagbabalita ukol sa COVID-19 response dahil alam namin na mahalaga ito sa inyo,” ani Nograles.
Nauna na ring naglabas ng pahayag ang pamunuan ng East Avenue Medical Center sa Quezon City na wala silang natanggap na anumang direktiba mula sa DOH o sa lokal na pamahalaan na ihinto ang pagre-report sa mga namamatay ng dahil sa COVID-19.