CENTRAL MINDANAO-Patuloy ang suporta at pakikiisa ng mga business establishments sa Kidapawan City sa bawat hakbang na ginagawa ng City Government ng Kidapawan laban sa Covid-19.
Katunayan ay naglagay na ng mga tarpaulin sa entrance ng ilang mga malalaking establisimiyento na humihikayat sa publiko na ipakita ang kanilang mga vaccination cards bago pumasok at makapamili.
Mismong si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang nanguna sa aktibidad kasama ang City Monitoring and Compliance Team.
Kabilang sa mga nilagyan ng tarpaulin ang Citi Hardware sa National Highway, Gaisano Grand Mall sa Barangay Lanao, Land Bank of the Philippines, Kidapawan Branch, at ang entrance ng Mega Market ng Kidapawan.
“Please Present Your Vaccination Card” ang nakasaad sa naturang mga tarpaulin kung saan nagpakita ng kooperasyon at ibayong suporta ang management at personnel ng nabanggit na mga establishments.
Kaugnay nito, tiniyak nina Nieva Dane – Moreno (Team Leader- Citi Hardware), Alvin Arcipe (Operations Manager – Gaisano Grand Mall Kidapawan), at Eva Sonico (Branch Manager – LBP Kidapawan Branch) na ipatutupad ang naturang polisiya sa harap na rin ng pagsisikap na mapanatili ang kaligtasan ng workforce at customers.
Samantala, kailangan pa ring magdala ng Cotabato Contact Tracing System o CCTS (QR Code) ang mga mamimili. Sa sandali namang walang maipakitang vaccination card ang mga customers ng Citi Hardware at Land Bank of the Philippines ay kailangang nilang isulat sa logbook ang ilang mga mahahalagang impormasyon patungkol sa kanilang sarili.
Minabuti naman ng pamunuan ng Gaisano Grand Mall Kidapawan na hanapan ng RT-PCR negative result ang mga customers na walang maipapakitang vaccination card bago ito papasukin sa mall.
Nilinaw ni Mayor Evangelista na hindi ito panggigipit at sa halip ay isang mabisang paraan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa, hindi lamang ng mga trabahante kundi maging ng mga mamimili ng bawat business establishment.
“Nais po nating matiyak ang kaligtasan ng publiko kung kaya’t tayo ay nagpapatupad ng mga polisiyang magbibigay ng proteksyon sa nakararami”, ayon kay Mayor Evangelista kasabay ang pahayag ng magandang balita na meron na lamang nalalabing tatlong (3) active cases ng Covid-19 sa lungsod.
“Ito ay bunga ng ating pagtutulungan at pagsunod sa mga itinakdang minimum health standards”, dagdag pa ng alkalde.
Inaasahan naman ang paglalagay ng iba pang mga establishment ng mga kahalintulad na tarpaulin sa susunod na mga araw.