CAUAYAN CITY- Nagsimula na ang Covid-19 Vaccination Rollout sa mga private hospital sa Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer, sinabi niya na 6 na pribadong pagamutan sa Lungsod ang mapagkakalooban ng bakuna mula sa Donasyon ng China na Sinovac.
Kabilang sa mga ito ang Santiago Medical City, Callang General Hospital, Adventist Hospital, De Vera Hospital, Renmhar Hospital at Flores Medical Center.
Aniya, nagsimula na ang vaccination rollout sa Santiago Medical City at nasa 260 healthcare worker ang mababakunahan.
Dumating na rin ang bakuna para sa Callang General Hospital na may mahigit dalawang daang doses.
Matatandaang unang nagsagawa ng pagbabakuna ang Southern Isabela Medical Center o SIMC noong Lunes at umabot na sa 533 na Personnel ang nabakunahan.
Ayon sa COVID-19 Vaccine Coordinator na si Dr. Kelvin Co, ilan sa mga nabakunahan ay nakaranas ng bahagyang pagkahilo at pagtaas ng presyon.
Magpapatuloy naman ang pagbabakuna hanggang araw ng Biyernes.