Inamin ng Department of Health (DOH) na patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng tigdas sa Pilipinas bagamat naabot na ng tanggapan ang halos kalahati sa 3.7-milyong target nitong bilang ng mga kabataan na naturukan ng anti-measles vaccine.
Ayon sa DOH, may higit 1,400 bagong kaso ng tigdas ang naitala sa pagpasok ng Marso mula sa mga rehiyon na nasa ilalim ng measles outbreak.
Dahil dito, umakyat na sa higit 16,300 ang kaso ng tigdas sa buong bansa mula Enero.
Nasa higit 260 naman na ang nasawi.
Inamin ng kagawaran na 500 lamang mula sa nabanggit na bilang na mga kaso ang nakatanggap ng isa mula sa dalawang dose ng bakuna kontra tigdas.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Health Asec. Eric Tayag na puspusan na rin ang ginagawang mga hakbang ng DOH lalo na’t pumasok na ang panahon ng tag-init kung saan mas laganap ang naturang sakit.