MANILA – Isasailalim muli sa orientation ang mga healthcare workers na nagtuturok ng COVID-19, ayon sa Department of Health.
Tugon ito ng ahensya sa gitna ng mga report na may ilang vaccinators umano ang nagkamali sa pagtuturok ng bakuna.
“Ngayong araw mayroong isang malakihang re-orientation of protocols kung saan inimbitahan natin lahat ng mga pwedeng maka-attend na vaccinators,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“Ito ay para ma-refresh sila at they can be always aware of our existing protocols sa vaccination.”
Mula nang lumutang ang mga viral video, sinimulan na raw ng DOH ang pagsasailalim sa re-orientation ng mga bakunador.
Pinayuhan na rin ng ahensya ang vaccination sites na tiyaking may nakatalagang supervisor na nagbabantay sa proseso ng mga nagbabakuna.
“Yung ating inventories at each vaccination day para makita natin kung nagkukulang (dapat) nakakapag-imbentaryo ng one is to one, isang hiringilya sa isang tao at doses na naibigay natin sa kanila.”
Muli ring nanawagan si Vergeire sa mga lokal na opisyal na siguruhing may sapat na pahinga ang mga healthcare workers para hindi na maulit ang mga insidente ng maling pagbabakuna.