Itinatag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang cluster na tututok sa COVID-19 vaccine program ng gobyerno.
Sinabi ni Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, kaugnay nito ay nagpatupad ng restructuring ang Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) sa National Task Force against COVID-19 para maitatag ang COVID-19 Vaccine Cluster na pamumunuan ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr.
Ayon kay Sec. Roque, ibig sabihin ay binuwag ng IATF ang COVID-19 Immunization Program Management Organizational Structure na una nang inaprubahan ng IATF noong Oktubre 26.
Ito ay para bigyang-daan ang bagong COVID-19 Vaccine Cluster na hiwalay sa response cluster.
Bubuuin ang COVID-19 vaccine cluster ng executive committee members, advisory groups, iba’t ibang task groups na may kanya-kanyang papel at responsibilidad.
Kabilang naman sa mandato ng vaccine czar ang pakikipagkoordinasyon sa iba’t ibang ahensya at mga technical working groups sa ngalan ng Department of Health (DOH).
Tungkulin din nitong tiyakin ang kaligtasan at pagiging epektibo ng bakuna, ayusin ang maagang pagpapalabas ng certificate of product registration sa Food and Drugs Administration (FDA).
Pangungunahan din ng vaccine czar ang pakikipagnegosasyon at kailangan niyang mag-activate ng price negotiation board alinsunod sa cost effective price ng health technology assessment.
Tungkulin din ng vaccine czar ang pagtukoy kung sino-sino ang mga dapat maunang mabakunahan, papano mai-deliver ang mga bakuna at kung kailangan bang gumamit ng private system.
Kailangan ding pangunahan ng vaccine czar ang pagpapatupad ng mga guidelines at surveillance at ang pagbili ng bakuna batay sa itinatakdang mga regulasyon.