MANILA – Tila minaliit ng Department of Health (DOH) ang reklamo ng mga local government officials tungkol sa ubos nang supply ng COVID-19 vaccines sa kanilang mga lugar.
Nitong Martes nang magsara ang ilang vaccination sites sa Metro Manila dahil wala na silang supply ng mga bakuna.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, araw-araw nang nakakatanggap ng hiling ang kanyang lokal na pamahalaan mula sa mga residenteng gusto magpabakuna.
“Sa isang banda ito ay maganda rin na nakikita natin na hindi nag-aalinlangan ang mga kababayan na magpabakuna,” ani Dr. Napoleon Arevalo, DOH Director IV.
“Nakakaranas na tayo ng mga areas na titigil (ng vaccination) temporarily a day, sapagkat ang magandang nakikita natin ay mabilis sila makapag-bakuna,” dagdag ng opisyal.
Gayunpaman, aminado si Arevalo na nakakaapekto rin ang limitado pang supply ng bakuna sa Pilipinas.
Paliwanag ng opisyal, agad nagpapadala ng vaccine supply ang DOH sa mga vaccination sites kapag hanggang limang araw na lang ang kanilang supply.
Nitong Lunes nang buksan ng gobyerno ang pagbabakuna sa mga A4 o essential workers ng National Capital Region (NCR) Plus 8.
Pero ayon sa DOH, hindi pa siguradong mababakunahan ang tinatayang 35-milyong manggagawa sa buong bansa dahil hindi pa sapat ang supply ng bakuna sa bansa.
Ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez, aabot sa 10-million doses ng COVID-19 vaccine ang dadating sa Pilipinas ngayong buwan.
“Ang ating prayoridad ngayon ay focus areas na NCR Plus 8 dahil nakita natin na ang surge ay nandito, pero mayroon din tayong expansion areas na pwedeng bigyan dahil sa kanila ring nararanasang surge.”
“Ang katapusan ng ating pagbabakuna ay i-prorate ang mga bakuna in across the nation. Ang mga susunod na bakuna ay tinitingnan natin na magkakaroon ang lahat ng rehiyon, pero mayroon lang tayong focus areas dahil sa surge.”
Ayon kay Arevalo, inaasahang 10-million doses ng bakuna ang dadating sa Pilipinas kada buwan, pagdating ng ikatlo at ikaapat na quarter ng taon.