MANILA – Naghain na ng rekomendasyon ang vaccine expert panel (VEP) para magamit na rin ng senior citizens ang COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese company na Sinovac.
Ito ay kasunod ng ulat na ubos na ang paunang 525,600 doses ng AstraZeneca vaccines na ibinigay ng COVAX Facility ng World Health Organization (WHO).
“May kino-consolidate na lang na mga datos si DG (Eric) Domingo, and I think he will eventually announce it,” ani Dr. Nina Gloriani, head ng VEP.
“Nasa pandemya tayo ngayon at hindi tayo pwedeng mag-delay dahil yung bakunang hinihintay natin hindi pa dumadating. Kung ano yung meron tayo, sana ay magamit natin.”
Sa ilalim ng iginawad na emergency use authorization ng Food and Drug Administration (FD), limitado muna sa mga may edad 18 hanggang 59-years old; at may controlled comorbidity ang paggamit ng bakunang CoronaVac.
Maliit daw kasi ang porsyente ng senior citizens na tumanggap ng Chinese vaccine nang magsagawa ng clincial trials sa Brazil.
“Nung na-collate nila yung data, they were only able to enroll like 360 (individuals) that are more than 60 years old. So nung na-compute nila yung 60 years old na 360 lang out of 8,000 hindi siya enough to make a conclusion na mayroong efficacy yung bakuna sa 60-years old,” ani Dr. Rontgene Solante, miyembro ng VEP.
Sa kabila nito, natukoy naman daw ng expert panel na maganda ang “safety profile” ng CoronaVac kahit maliit ang porsyente ng senior citizens na pinag-aralan sa bakuna.
“If we’re talking about the senior citizens, maganda yung kanyang safety profile… ang naging issue noon ay yung efficacy na medyo mababa kasi kulang yung taong nag-participate sa trial. Pero ang maganda sa datos ay nakaka-protekta siya sa mga matatanda na hindi sila nagka-severe COVID.”
Ayon kay Dr. Gloriani, na umaming tumanggap na bakuna ng Sinovac, karaniwang mild na side effects lang ang nakita mula sa mga matatandang ginamitan ng Chinese vaccine.
“Yung first dose ay pain lang sa left side (ng arm). Yung second dose may pain at mabigat pero ganon don, mga after 2-3 hours nawala na rin. Other than that wala na kong naramdaman.”
“I heard from my other colleagues na ka-edad ko, yung iba nagka-flu like symptoms. Pero ganon din within 1-2 days nagre-resolve din.”
Binigyang diin ng dalubhasa na normal ang side effect kapag nakakatanggap ng bakuna ang isang tao.
“Ibig sabihin noon nakikita ng ating katawan na may foreign bodies sa atin at yung ating immune response ay nagsisimula ng mag-akto. Actually mas maganda na mayroon nararamdaman, huwag lang severe or magtatagal.”
Ilang bansa na raw ang nagtuturok ng Sinovac vaccine sa populasyon ng kanilang mga senior citizen tulad ng China, Hong Kong, Indonesia, at Turkey.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang FDA ang magde-desisyon sa rekomendasyon ng VEP.
Sinabi naman ni FDA director general Eric Domingo sa Bombo Radyo na inaaral na niya ang naging rekomendasyon ng mga eksperto.
“I am studying the recommendation now. And will decide soon,” ayon sa opisyal.
Sa ilalim ng vaccine prioritization framework ng pamahalaan, ikalawa ang senior citizens sa mga makakatanggap ng COVID-19 vaccines.
Ilang lungsod na ang naglunsad kamakailan ng vaccination para sa mga senior citizens.