MANILA – Nilinaw ng isang vaccine expert na ligtas at mabisang panlaban sa impeksyon ng COVID-19 ang Russian-developed vaccine na Sputnik V.
“Sa aming mga papers at docu na ipinasa sa amin, wala kaming nakitang red flag or signals na hindi mabisa o safe ang bakunang ito ,” ani Dr. Mario Antonio Jiz II, miyembro ng Department of Science and Technology – Vaccine Expert Panel (DOST-VEP).
Ang pahayag ng dalubhasa ay tugon sa ulat na hinarang ng health regulator sa Brazil ang importasyon sa kanila ng Sputnik V.
Batay sa report, sinabi ng Brazil regulators na may panganib at seryosong depekto ang bakuna ng Russia.
Gayunpaman, sinabi ng Moscow na may bahid ng pulitika ang pagbasura ng Brazil sa vaccine importation.
“Anvisa’s (Brazil health regulator) decision to delay the registration of Sputnik V may have been politically motivated,” ayon sa Russian Direct Investment Fund.
Sa datos ng Department of Health, may efficacy rate na 91.6% ang Sputnik V sa mga symptomatic COVID-19 cases.
Habang 100% na mabisa sa mga may moderate at severe na impeksyon sa sakit.
“Nakita ng among VEP that based on the records showed to us, we support the approval of the Sputnik V vaccine for the emergency use application.”
Pinaalalahanan ni Dr. Jiz ang publiko na walang dapat ikabahala sa mga karaniwang side effect ng mga bakuna.
“Ang ibig sabihin lang nito ay nagta-trabaho ang inyong immune system para magsimulang maprotektahan kayo sa COVID-19.”
Binigyang diin din ng eksperto na “very rare” lang ang mga naitalang seryosong side effect, kaya importante pa rin na tumanggap ng coronavirus vaccine para maiwasan ang impeksyon sa pandemic na COVID-19.